-- Advertisements --

Maaaring abutin pa ng dalawang linggo bago maramdaman ang epekto ng unang linggo ng pagbalik ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at apat na karatig na probinsya.

Ayon kay Dr. Ted Herbosa, National Task Force Against COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) adviser, ang ibinabalitang surge sa COVID-19 cases sa kasagsagan ng reimplementation ng ECQ sa NCR (National Capital Region) Plus ay hindi “real time.”

Iginiit ni Herbosa na ang napaulat na mga COVID cases sa nakalipas na linggo kung saan umabot pa sa mahigit 15,000 ang bilang noon lamang Sabado, ay tinamaan ng naturang sakit bago pa man ipinatupad ang ECQ.

Lumalabas kasi ang sintomas ng COVID-19 apat hanggang limang araw mula nang kapitan ng virus ang isang tao.

Kaya naman sinabi ni Herbosa na hindi dapat asahan ng publiko ang biglaang pagbaba ng kaso ng nakakamatay na COVID-19.