Pinakikilos ni House Deputy Speaker Loren Legarda ang iba pang ahensya ng pamahalaan na tumulong na rin sa mga sinalanta ng Bagyong Odette.
Nakikipag-ugnayan na sa ngayon ang kongresiste sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mabilis at maagap na maihatid ang social assistance sa mga apektado nang pananalasa ng bagyo sa Central Visayas, Eastern Visayas, Mindanao, at Palawan.
Inihalimbawa rito ni Legarda ang DOLE-TUPAD para sa emergency employment, DSWD-AICS at MAIP para sa assistance sa mga nangangailangan ng gamot at pampa-ospital.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang lahat ng resources ng pamahalaan para matulungan ang mga nasalanta ng kalamidad.
Sa ngayon, nabatid na problema pa rin ng mga binagyo ang kawalan ng access sa maiinom na tubig, kuryente, maayos na linya ng komunikasyon at matitirahan.