Kapwa kinumpirma ng dalawang mambabatas na ekonomista ng Kamara na immediate o agad na mararamdaman ang positibong epekto ng economic charter change sakaling maaprubahan.

Ayon kay Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, agad bubuhos ang mga foreign investors na bibili ng shares.

Isa kasi aniya itong signalling sa mga foreign investors na bukas na ang Pilipinas.

Sa ngayon kasi maituturing na ‘patay’ ang ating stock market dahil puro mga Pilipino lang naman ang may shares dito.

Ang intermediate long term na epekto naman ay mararamdaman aniya sa pagpasok na ng foreign direct investments.

Maliban naman sa stock market, mas mapapadali na rin ani House Committee on Appropriations senior vice-chair Stella Quimbo ang panghihikayat ng Pilipina sa mga mamumuhunan.

Ngayon kasi aniya, kinakailangan pang magpadala ng malaking trade mission sa kada bansa sa pangunguna mismo ng Pangulo para lamang makahikayat ng mga mamumuhunan.

Ngunit sa pamamagitan ng economic chacha, magiging ‘wholesale’ na ang ‘pagbenta’ ng Pilipinas para maka akit ng foreign investors.

Binigyang-diin naman ni Salceda ang dahilan kung bakit suportado niya ang economic cha cha ay dahil sa buong Asya ang Pilipinas ay may namamatay dahil sa malnutrition.