Nagsampa si Duterte Youth chairperson Ronald Cardema ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa ilang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng pagsuspinde sa proklamasyon ng kanilang party-list nominees.
Ayon sa reklamo, “labag sa batas” ang naging rekomendasyon ng ilang Comelec officials na ipagpaliban ang proklamasyon ng Duterte Youth, at ito ay “malinaw na labis na paggamit ng kapangyarihan.” Sinabi din ni Cardema na wala sa Comelec Resolution No. 11140 ang kapangyarihan ng Supervisory Committee para magrekomenda ng suspensyon na lumabag umano sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Binanggit din ng Duterte Youth na ang pagpapaliban sa proklamasyon ay nakapinsala umano sa mahigit 2.3 milyong botanteng Pilipino na bumoto sa kanila.
Kasama sa mga inirereklamo sina Comelec Executive Director Teopisto Elnas Jr., Deputy Executive Directors Rafael Olaño at Helen Aguila-Flores, pati na rin ang ilang staff mula sa Election Records and Statistics Department.
Bukod sa reklamo sa Ombudsman, hiniling din ng Duterte Youth sa Commission on Appointments na harangin ang kumpirmasyon ng dalawang Comelec Commissioners na sina Noli Pipo at Norina Casingal, na pumirma sa resolusyong nagpapaliban ng proklamasyon.
Samantala pinabulaanan naman ng Comelec ang mga paratang. Ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco, may sapat na kapangyarihan ang mga commissioner na pumirma sa nasabing resolusyon, at hindi ito maituturing na “grave abuse of discretion.”
Dagdag pa niya, ang sabay na pag-apela ng Duterte Youth sa Korte Suprema at sa Commission on Appointments ay maaaring ituring na forum shopping.