Labis umano ang galit ni Pangulong Rodrigo Duterte nang makarating sa kanyang kaalaman ang reklamo ng mga health workers na tinamaan ng COVID-19 at kanilang pamilya dahil hindi pa naibibigay ng Department of Health (DOH) ang kanilang monetary compensation.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ngayon lang niya nakitang nagalit at uminit ng husto ang ulo ni Pangulong Duterte.
Kaya ayon kay Sec. Roque, nagbigay na si Pangulong Duterte ng ultimatum hanggang sa Martes ng susunod na linggo para maibigay na ang financial assistance ng gobyerno sa mga health personnel na tinamaan ng COVID-19.
Batay sa probisyon ng “Bayanihan We Heal as One Act of 2020,” tatanggap ng P1 million cash assistance ang pamilya ng health worker na namatay dahil sa COVID-19 habang P100,000 monetary assistance para sa health personnel na positibo sa COVID-19.















