-- Advertisements --

Inirekomenda ng isang mambabatas ang pagkakaroon ng drive-through services sa lahat ng supermarket chains sa bansa upang mabawasan ang exposure ng publiko sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

Iginiit ni ACT-CIS Party-list Rep. Niña Taduran, hindi maiaalis ang posibilidad na mahawa sa sakit habang namimili sa grocery dahil bagama’t mayroong physical distancing ay matagal na oras naman ang inaabot ng mamimili sa pila.

Maaring gayahin aniya ang plano ni PNP (Philippine National Police) Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na magkaroon ng drive-through services para sa lahat ng frontline services ng PNP tulad na lamang ng gun registration at vehicle clearances.

Ayon kay Taduran, maaring gumawa ng online portals ang mga supermarket owners kung saan makakapag-pre order at makapagbayad ang kanilang mga customer bago ang pick up sa kanilang mga pinamili.

Maging iyong mga walang sasakyan ay maari rin aniyang makabili online at i-pick up na lang ang kanilang orde sa loob ng grocery.

Sa ganitong paraan ay mas kaunting oras na lamang ang igugugol ng mga mamimili sa pagbili ng kanilang mga pangangailangan.