-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hawak na ngayon ng pamilyang Dormitorio ang draft ng kaso na kanilang ihahain laban sa pitong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na pinaniniwalaang sangkot sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Dexter Dormitorio, kuya ng sinasabing hazing victim, na nire-review na ng kanilang pamilya, kasama ang abogado, ang kasong paglabag sa Anti-Hazing Law na isasampa laban sa pitong kadete.

Paliwanag nito, nais lang ng kanilang pamilya na makatiyak na hindi mababasura ang criminal case ng mga kadeteng pinamumunuan umano ni Cadet 1st Class Axl Ray Sanopao.

Nagpasalamat naman ang naulilang pamilya sa pulisya dahil sa mabilis na paglutas ng imbestigasyon at pagbuo ng kasong isasampa laban sa mga suspek.