-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na may 45 bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 mula sa mga personnel ng Metro Rail Transit (MRT-3).

Ayon kay DOTr spokesperson Asec. Goddes Libiran, mula sa mga bagong kaso ng sakit ay may anim na ticket teller sa mga istasyon, isang nurse at train driver.

Sa ngayon aabot na sa 172 ang kabuuang bilang ng COVID-19 positive cases sa mga empleyado ng MRT-3. Ang 166 sa kanila ay mga depot personnel.

Paliwanag ng Transportation official, ang pagdami sa mga kaso ng COVID-19 sa MRT-3 ay bunsod ng lumabas na resulta ng mga swab test.

Pati na ang patuloy na contact tracing sa nakasalamuha ng mga unang nag-positibong empleyado sa sakit.

Sa isang online post, tiniyak ng MRT-3 na mas pinalawig pa nila ang ipinatutupad na protocol para sa kaligtasan ng mga empleyado at commuter.

Bukod sa RT-PCR testing, naglaan din ang linya ng tren ng full personal protective equipment (PPE) set sa mga empleyado nito.

May ilan naka-work from home, lalo na yung mga itinuturing na non-essential office personnel sa depot at istasyon.

“Disinfection activities at the MRT-3 depot and at all MRT-3 stations have also been heightened, with disinfection being done twice a day by a certified professional provider in addition to the continuing regular disinfection by MRT-3 sanitation personnel.”

Pansamantalang naka-shutdown ang operasyon ng MRT-3 ngayong araw dahil sa pagpapatuloy ng rail replacement activities.