Bilang paggunita sa World Day Against Child Labor nitong Hunyo 12, namahagi ang Department of Labor and Employment ng livelihood starter kit sa mga pamilya ng child laborer sa Nueva Ecija.
Ayon kay DOLE Nueva Ecija Chief Labor and Employment Officer Maylene Evangelista, ito ay pauna pa lamang na pagkakaloob ng mga sari-sari store package sa halos 100 target na benepisyaryo sa lalawigan.
Ang livelihood package ay nagkakahalaga ng P20,000 para sa isang pamilya.
Layunin daw ng ahensya na makatulong para mabago ang antas ng pamumuhay ng mga benepisyaryo at matapos na ang maagang paghahanapuhay ng mga menor de edad at kanilang masulit at maranasan ang masayang pagkabata.
Ayon kay Evangelista, magbibigay din ang kagawaran ng mga gamit sa eskwela at mga grocery package katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Kasabay nito nagsasagawa rin ang ahensya ng mga talakayan hinggil sa usaping Child Labor.
Paalal ni Evangelista sa mga benepisyaryo, bigyang halaga at ingatan ang mga natatanggap na tulong mula sa pamahalaan at magsilbi sana itong pagkakataon para mapaunlad ang pamumuhay.