Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na bayaran ng tama ang sahod ng mga empleyado sa Hunyo 28 na idineklara ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang regular holiday kasabay ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga kapatid nating Muslim.
Sa bisa ng Labor Advisory No. 13 series of 2023, dapat na makatanggap ng 200% ng basic salary para sa unang walong oras ng pagtratrabaho ang mga empleyado na pumasok sa araw ng Eid’l Adha.
Kapag nasaktong day off naman ng empleyado sa Hunyo 28 subalit pumasok ito sa trabaho, entitled ito na makatanggap ng karagdagang 30% ng kaniyang basic wage maliban pa sa 200%.
Lahat ng mga empleyado na nag-overtime ay entitled na makatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate.
Samantala ang mga empleyado naman na hindi nagtrabaho sa nasabing regular holiday ay entitled pa rin na makatanggap ng 100% ng kanilang basic pay.