Hindi na muling magbibigay ng palugit ang Department of Justice (DoJ) sa paghahain ng kontra salaysay sa mga opiyal ng KAPA Community Ministry International Inc. matapos ang preliminary investigation kanina.
Ayon kay Assistant State Prosecutor Gilmari Fe Pacamara, unextendible ang ibinigay nilang palugit na hanggang Hulyo 29 para magsumite ng counter affidavit ang mga akusado sa kasong isinampa ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Kapag bigo pa ring magsumite ng kontra salaysay ang mga isinasangkot sa multi billion investment scam ay idedeklara nang submitted for resolution ang kaso.
Una rito, hindi na naman sumipot ang mga opisyal ng KAPA sa preliminary investigation sa Department of Justice (DoJ) kanina.
Tanging ang mga nagpakilalang counsel ng KAPA na sina Atty. Montano Nazario Jr., Atty. Karl Steven Co at Atty. Mae Divinagracia ang dumalo sa pagdinig bilang counsel nina KAPA founder Joel Apolinario asawang Reyna Apolinario na corporate secretary ng ministry at Rene Catubigan.
Walang dalang ano mang counter affidavit ang mga abogado kayat hiniling nilang panumpaan na lang muna ng kanilang mga kliyente ang kanilang counter affidavit sa provincial prosecutor ng Sarangani.
Pinagbigyan naman ito ng DoJ panel of prosecutors at inobliga ang mga counsel na isumite ang kontra salaysay ng mga respondent kasabay ng susunod na preliminary investigation.
Dumipensa naman ang counsel na si Divinagracua Kung bakit no show pa rin ang mga isinasangkot sa investment scam sa isinagawang imbestigasyon.
Ayon sa mga counsel, may banta raw kasi sa buhay ang kanilang mga kliyente kaya hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sila lumalantad sa publiko.
Humaharap ang mga opisyal ng KAPA sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code na isinampa ng SEC.