-- Advertisements --

Dumepensa ang Department of Health (DOH) matapos sabihin ni Presidential spokesperson Harry Roque na dapat nag-expand agad ng testing ang bansa kasabay nang pagputok ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, walang kapasidad ang Pilipinas para gumawa sa COVID-19 testing nang unang makapagtala ang bansa ng kaso ng sakit.

“Dahil bago po ang virus noong Enero ay wala po tayong kakayahang magsagawa ng test para dito at sa halip ay pinapadala po natin no’ng una ang mga specimens natin sa Australia para magpa-test,” paliwanag ng opisyal.

Dagdag pa ni Vergeire, wala pang standard na proseso sa pagbibigay lisensyas sa mga laboratoryo, na aangkop sa biosafety requirements.

“Kinakailangan pa rin po nating mag-procure ng mga equipment at supplies kagaya po ng RT-PCR machines, reagents sa kalagitnaan po ng global shortage.”

Nitong araw nang aminin ni Roque na may mga pagkukulang sa responde ng pamahalaan laban sa COVID-19 kaya umabot sa higit 50,000 ang kaso ng sakit sa bansa.

“If I were to look back and what we could have done better siguro po, noong nagkaroon tayo ng unang kaso na imported case ng COVID ay dapat pinalawak na natin ‘yung ating testing capacity kaagad,” ayon sa tagapagsalita ng pangulo.