Mas maraming benepisyo raw ang matatanggap ng healthcare workers na nagsisilbing frontliners ng COVID-19 pandemic kapag naisabatas na ang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), ayon sa Department of Health.
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na bukod sa healthcare workers ng DOH at local government hospitals, ay makakatanggap na rin ng special risk allowance (SRA) ang 30% ng healthcare workers sa private hospitals na direktang nagse-serbisyo sa COVID-19 patients.
Bayad din ang hazard pay sa panahong magse-serbisyo ang healthcare workers na mula sa human resources for health deployment program ng ahensya. Ito ay sa gitna pa ng kahit anong community quarantine status.
Bukod dito, libre rin ang life insurance, pagkain, transportasyon at accommodation ng healthcare workers na natanggap sa emergency hiring. Ang local health workers naman ay bibigyan ng personal protective equipment (PPE), at paglalaanan ng dormitoro ang health workers mula sa 12 COVID-19 referral hospitals.
May insentibong P15,000 na rin ang healthcare workers na tinamaan ng mild/moderate COVID-19 simula February 1.
Mananatili naman ang P100,000 para sa mga naging severe/critical ang infection, at P1-milyon sa pamilya ng mamamatay na healthcare worker dahil sa coronavirus.
Aabot sa 21-bilyon ang budget allocation ng panukalang batas bilang suporta at benepisyo sa health care workers.
Hahatiin daw ito sa konstruksyon ng quarantine facilities, dormitoryo at expansion ng medical facilities sa P4.5-bilyon; pagbili ng PPEs sa pondong P3-bilyon; at health-related response na inaasahang nagkakahalaga ng P13.50-bilyon.
“Hindi pwedeng matigil ang suporta natin para sa ating healthcare workers. Kung kailangan natin sila sa panahon ng pandemya, mas lalong kailangan rin nila ang tulong natin ngayon. Pinaka importanteng magtulungan tayong lahat sa krisis na ‘to,” ani Vergeire.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) na pinirmahan noong Marso, aabot sa 55,366 healthcare workers daw ang nakatanggap ng SRA.
May 83,379 personnel naman ang nakatanggap ng P500 hazard per actual duty sa loob ng period ng enhanced community quarantine.
Nasa 31 benepisyaryo ng P1-milyong death benefit cheque ang nabigyan ng financial assistance; habang 37 healthcare workers na tinamaan ng COVID-19 ang nakatanggap ng P100,000.
Ipagpapatuloy daw ng DOH ang hiring sa healthcare workers para mapunan ang 10,000 approved slots sa 313 health facilities, na unang inaprubahan sa Bayanihan 1.
“Bayanihan 1 was a call to both our public and our medical communities to unite in a common vision to bring healing to our coronavirus-besieged sectors,” ani Vergeire.
“Bayanihan 2 takes the next steps forward in consolidating that healing through recovery, which is made possible by strengthening our health system structures while heeding the call of our HCWs for assistance and provisions.”