-- Advertisements --

Umapela ang Department of Health (DOH) sa energy officials na gawing prayoridad ang pagbabalik ng supply ng kuryente sa mga lugar na malalang tinamaan ni bagyong Rolly.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, posibleng maaapektuhan ang ilang potential cold chain storage o imbakan ng COVID-19 vaccines, test kits at specimen kung tatagal pa ang panahon na walang power supply sa mga naturang lugar.

“Ako ay nananawagan sa Department of Energy na sana bigyang prayoridad ang pagbabalik kaagaran ng electrical supply sa mga apektadong lugar lalo na’t may paparating na Typhoon Siony,” ani Duque sa televised briefing ng gabinete at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong umaga.

Hanggang sa ngayon ay nahihirapan pa rin daw makapag-report sa kanilang trabaho ang DOH health personnel sa Bicol dahil sa dinanas na baha at lahar flow ng rehiyon.

Pinaalalahanan naman ng kalihim ang local government units na mag-appoint ng safety officer sa mga evacuation centers na palagiang magmo-monitor sa sintomas ng evacuees para agad mahiwalay at ma-isolate ang mga symptomatic, pati na ang mga itinuturing na vulnerable.

“Bigyan ng hiwalay na silid ang high risk areas tulad ng mga may edad 60 pataas, karamdaman, buntis, at mga bata. I-isolate ang mga may sintomas sa mga temporary treatment and monitoring facilities.”

Nilinaw din ni Duque na hindi kailangan dumaan sa COVID-19 test ng mga rumeresponde sa panahon ng kalamidad basta’t sila ay walang sintomas at walang history ng exposure sa confirmed cases.

Paalala ng kalihim, dapat manatili ang pagpapatupad ng health protocols kahit nasa gitna ng kalamidad.

“Kailangan talaga natin sundin ang paghuhugas ng kamay, paggamit ng face mask, pagpapanatili ng social distancing (na) huwag iiksi sa isang metrong distansya lalo na sa loob ng evacuation centers, at panatilihin ang ventilation ng hangin.”