-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Migrant Workers (DMW) na hindi lamang P10,000 ang maaaring matanggap na financial assistance ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na kabilang sa repatriation program ng gobyerno.

Ang ayuda ay bahagi ng AKSYON Fund, o Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan.

Sa Facebook post ng DMW nitong Linggo, Agosto 9, sinabi ng ahensya na ang P10,000 arrival assistance ay panimulang tulong pa lamang para sa mga OFW na na-repatriate.

Bukod dito, maaari ring makatanggap ang OFW ng P10,000 onsite assistance at karagdagang P10,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Dahil dito, maaaring umabot sa hindi bababa sa P30,000 ang financial assistance na matatanggap ng isang repatriated OFW.

Hiwalay pa rito ang gastusin ng pamahalaan para sa pagpapauwi sa OFW, kabilang ang accommodation, pagkain at transportasyon habang isinasagawa ang repatriation.

Maaari ring madagdagan ang ayuda matapos ang assessment sa kalagayan ng OFW, kabilang ang pangangailangan sa legal, welfare at medical assistance.

Ayon sa DMW, maaaring umabot sa P50,000 hanggang P75,000 ang kabuuang tulong, lalo na para sa mga OFW na may malubhang kondisyon sa kalusugan.

Samantala, maaaring makatanggap ng hanggang P50,000 na tulong ang mga OFW na naging biktima ng illegal recruitment at human trafficking.

Binigyang-diin ng DMW na ang mga halagang ito ay bahagi ng iba’t ibang tulong na maaaring ibigay depende sa resulta ng assessment at partikular na pangangailangan ng bawat repatriated OFW.