Binigyang-diin ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Gulf region ang kahalagahan ng pagiging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media, lalo na sa gitna ng digmaan sa Gitnang Silangan.
Ayon sa ahensya, ang pag-papakalat ng pekeng balita ay maaaring magdulot ng seryosong parusa sa ilang bansa.
Sa isang advisory, sinabi ng DMW na dapat maging kritikal ang mga OFW sa mga balitang nakikita online at umasa lamang sa opisyal at beripikadong mga sources.
Dagdag pa ng DMW, sa mga bansang gaya ng United Arab Emirates at iba pang bahagi ng Middle East, maaaring managot ang OFWs sa ilalim ng cybercrime laws kung magpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Mga dapat gawin:
- I-verify ang impormasyon bago i-share at siguraduhing mula sa opisyal at mapagkakatiwalaang sources.
- Sundin ang advisories at anunsyo ng host government at Philippine Embassy.
- I-report ang anumang kahina-hinalang impormasyon at manatiling kalmado at matalino sa mga balita.
Mga hindi dapat gawin:
- Huwag mag-share o mag-forward ng hindi beripikadong balita, larawan, o video.
- Iwasang mag-post o mag-komento tungkol sa sensitibong isyu kung walang kumpirmadong detalye.
- Huwag kumuha o mag-upload ng larawan o video ng insidente nang walang pahintulot.
- Huwag makisali sa pag-papakalat ng tsismis o maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot o kaguluhan.
Ayon sa DMW, ang paglabag sa batas ng host country sa paggamit ng social media ay maaaring magresulta sa multa, pagkakakulong, o deportasyon.
Maaaring sundan ng mga OFW ang website ng DMW sa dmw.gov.ph, o sa social media accounts nito sa Facebook, X, YouTube, at TikTok, o mag-email sa feedback@dmw.gov.ph para sa beripikado at updated na impormasyon.
















