-- Advertisements --

Tututukan sa 2026 ASEAN Leaders’ Summit sa Cebu ang disaster resiliency at energy security, ayon sa Presidential Communications Office.

Ayon kay Acting Communications Secretary Dave Gomez, magpapatupad ang mga bansang kasapi ng mas pinaigting na kooperasyon, kabilang ang pagpapalakas ng community-based early warning systems, mabilis na humanitarian response, at tulong sa mga apektadong populasyon.

Dagdag ni Gomez, layunin nitong matiyak na ang mga sakuna tulad ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon ay hindi magpapalala sa kalagayan ng mga komunidad, kundi magsusulong ng mas inklusibo at people-centered na resilience strategies sa buong rehiyon.

Tatalakayin din sa summit ang energy security kasunod ng epekto ng tensyon sa Middle East na nagpapataas sa presyo ng langis sa Asya. Layunin ng mga lider na bumuo ng iisang hakbang upang mabawasan ang epekto nito sa mga bansang kasapi.

“With the impact of the Middle East tension, bearing heavily on Asia, upon the initiative of President Ferdinand R. Marcos Jr., the leaders have refocused the agenda to include discussions on energy security and a unified response to mitigate negative effects on individual member states,” saad ni Gomez.