Pinagtibay ng Commission on Audit (COA) ang notice of disallowance sa ₱73 milyon na confidential funds na ginastos ng Office of the Vice President noong Disyembre 21 hanggang 31, 2022.
Sa pagdinig ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Atty. Gloria Camora ng COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO), na may tatlo pang disallowance na inilabas na saklaw ang ₱375 milyon na gastos ng OVP noong 2023.
Nauna nang ipinaliwanag ni COA Assistant Commissioner Alexander Juliano, ang disallowance ay nangangahulugang ang paggastos ay maaaring iregular, hindi kailangan, o labis.
Saad pa ni Camora, ang paglalabas ng disallowance ay indikasyon na ang liquidation reports ng OVP sa confidential funds ay hindi sumunod sa 2015 Joint Circular na nagtatakda ng tamang paggamit ng confidential at intelligence funds.
Sa ilalim ng naturang patakaran, maaari lamang gamitin ang confidential funds sa pagbili ng impormasyon para sa mga programang may kaugnayan sa pambansang seguridad at kaayusan, pag-upa ng sasakyan para sa confidential operations, pagpapanatili ng safehouses, pagbili o pag-upa ng kagamitan para sa lihim na operasyon, at pagbibigay ng gantimpala sa mga impormante na hindi empleyado ng ahensya.
Gayunman, dapat ito ay para lamang sa intelligence activities, dapat may apruba ng pinuno ng ahensya, dapat may sapat na dokumentasyon, at may koordinasyon sa law enforcement.
















