
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa embahada ng Pilipinas sa Beirut sa Lebanon para alamin ang kalagayan ng iba pang Pinoy na nasa lugar kasunod ng dalawang malakas na pagsabog doon.
Kaugnay nito, nais na rin daw ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr na magpadala ng tulong sa Lebanon kasunod ng malakas na pagsabog na ikinamatay na ng mahigit 100 katao kabilang na ang dalawang Pinoy.
Una nang sinabi ng DFA na 11 sa 12 na Pinoy na nawawala ay mga seafarers na tumalon sa kanilang sinasakyang barko na naka-dock o nakadaong sa pantalan na may layong 400 metro lamang.
Dalawa raw sa mga kasamahan ng mga Pinoy ay agad dumulog sa embahada ng Pilipinas sa Beirut para ipaalam ang nangyari.
Ang isa pang nawawalang Pinoy ay isa raw household service worker.
Kinumpirma naman ni DFA Usec. Sarah Arriola na ang dalawang namatay na Pilipino at household service workers na nasa bahay ng kanilang mga employers nang maganap ang pagsabog.
Samantala, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III na ang isang namatay ay si Perlita Guillermo Mendoza na taga Benito Soliven, Isabela habang ang isa ay hindi pa nakikilala dahil nawawala ang kanyang pasaporte.
Nakikiisa naman ang Malakanyang sa mga taga-Lebanon matapos ang nangyaring insidente at ngayong panahon ng pagluluksa.
Nagpaabot ang Palasyo ng pakikiramay at dasal sa lahat ng mga Lebanese people.
Nakikiramay din ang Malakanyang sa pamilya ng dalawang Pinoy na namatay sa malakas na pagsabog.








