-- Advertisements --

Prayoridad ngayon ng pamahalaan ang pagkuha sa mga bumabalik na Overseas Filipino Workers (OFW) na dating guro at nais muling magturo sa bansa, ayon sa Department of Education (DepEd).

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang punan ang mga bakanteng posisyon sa sektor ng edukasyon.

Ipinaliwanag ni Angara na isinusulong ang programang “Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” (SPIMS), na layong tulungan ang mga gurong OFW na makabalik sa lokal na sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng pagsasanay at reorientation.

Bukod sa pagbibigay ng prayoridad sa hiring, nakatakda ring palawakin ang benepisyo at oportunidad sa career advancement ng mga muling papasok na guro, kabilang ang mas mabilis na promosyon.

Giit ng kalihim, isa sa mga dahilan kung bakit umaalis ng bansa ang ilang guro ay ang limitadong pagkakataon sa pag-angat sa trabaho at kakulangan ng atensyon sa kanilang propesyon sa loob ng bansa.