-- Advertisements --

Naglaan ang Department of Migrant Workers (DMW) ng P20 milyon bilang support and assistance fund para sa mga pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng 7.0 magnitude na lindol noong Miyerkules sa hilagang bahagi ng Luzon.

Sinabi ni DMW Sec. Susan “Toots” Ople na inatasan din niya ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na agad na magbigay ng tulong at alamin kung ano ang iba pang uri ng tulong na maibibigay ng departamento.

Aniya, paunang alokasyon lamang ito para makatulong sa mga pamilyang OFW na naapektuhan ng lindol.

Hihintayin nila ang damage assessment report na ginawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para matukoy kung aling mga rehiyon at lugar ang higit na apektado para ma-prioritize natin ang mga pamilyang OFW doon.

-- Advertisement --

Nakipag-usap din si Ople sa Home Development Mutual Fund (HDMF), o PAG-IBIG Fund, para mapadali ang emergency loan application ng mga pamilyang OFW na naapektuhan ng lindol.

Upang mapakinabangan ang tulong, sinabi niya na ang mga apektadong pamilya ng mga OFW ay maaaring maghain ng kanilang mga aplikasyon sa pinakamalapit na opisina ng OWWA sa kanilang mga rehiyon.

Ayon kay Ople ang alokasyon ay maaaring gamitin sa pagkain, gamot, grocery, tubig, o anumang bagay na kailangan agad ng OFW families.