Pinayuhan ngayon ng Department of Health (DoH) ang publiko na mag-isolate kapag nakararanas ng sintomas ng influenza-like illnesses sa bansa.
Sinabi ni DoH officer-in-charge Maria Rosario-Vergeire na hindi raw dapat magpakampante ang ating mga kababayan lalo na’t tumaas ng 45 percent ang kaso ng naturang impeksiyon ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.
Sa datos ng DoH, nasa 114,278 ang influenza-like illnesses mula Enero 1 hanggang Disyembre 3.
Nasa 29 percent naman daw ng kaso o katumbas ng 32,778 cases ay may edad na isa hanggang sa apat na taong gulang.
Kaya naman kapag nakaranas daw ng fever, flu at ubo ay mas maiging mag-isolate na lang muna para hindi mahawaan ang ibang tao.
Binigyang-diin ni Vergeire na mas maigi umanong maging ligtas dahil halos pareho ang sintomas nito sa sintomas ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).