
Kampante ang Department of Health (DoH) na hindi magdudulot ng panganib sa bansa ang natuklasang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) Omicron subvariant.
Sinabi ng Department of Health na hindi rin daw dapat ikaalarma ng ating mga kababayan ang Omicron subvariant BF.7 sa Pilipinas.
Pero dapat daw ay ito rin ang maging rason para manatiling alerto ang mga Pinoy.
Sinabi ni DoH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang BF.7 na ikinokonsiderang sublineage ng Omicron subvariant BA.5 ay nagpapakitang mas transmissible at mas immune evasive base sa mga ebidensiya.
Pero sa kabila nito, wala pa rin naman umanong ebidensiya na nagsasabing nakakapag-case ng severe at critical infections ang naturang variant.
Ipinunto rin ni Vergeire na ang coronavirus ay mananatili na at magkakaroon pa ito ng maraming mutation.
Kaya naman, dapat daw ang ipagpatuloy ng publiko ang pagpapabakuna at sumunod sa minimum public health standards.
Sa ngayon, mayroon nang apat na kaso ng Omicron subvariant BF.7 na na-detect sa bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na hindi na raw magpapatupad ang bansa ng ano mang generalized lockdown dahil sa naturang variant.










