-- Advertisements --
DOE Department of Energy

Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na nakumpleto na ang unang maintenance shutdown ng Malampaya Deepwater Gas-to-Power sa ilalim ng all-Filipino owned consortium.

Sa isang pahayag, sinabi ng departamento na ang 15 araw na maintenance works mula noong Pebrero 4 hanggang Pebrero 18 ay natapos nang walang naitala na insidente, na sumasaklaw sa platform, pipelines, at sa buong sistema nito.

Sinasabing ipinagpatuloy ng Prime Energy ang paghahatid ng Malampaya power plants alas-12:01 ng umaga noong Linggo, Pebrero 19.

Bago ang pagsisimula ng saklaw ng trabaho, ang Department of Energy, kasama ang Prime Energy, ay nagsagawa ng maraming pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder community, local government units, at iba pang ahensya ng gobyerno partikular na sa paligid ng Onshore Gas Plant sa Batangas.

Ginawa ito upang matiyak ang awareness ng mga mamamayan ukol sa naturang shutdown lalo na sa mga panahon na pansamantalang mawawalan ng supply ng kuryente.

Ang Malampaya gas-to-power facility fuels ay ang tatlong gas-fired power plant na may kabuuang generating capacity na 2,700 megawatts (MW) na kung saan nagbibigay ng hanggang 30% ng power generation needs ng Luzon.

Nakakonekta sa onshore gas plant sa Batangas, ang Malampaya offshore facility sa Northern Palawan na pinasinayaan noong taong 2001.