Humingi ng paumanhin si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte kay Senadora Imee Marcos dahil sa mga sinabi nito laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa isang prayer rally nitong weekend.
Magugunitang sa pagtitipon, mapangahas na hinamon ni Mayor Baste Duterte si Pangulong Marcos na magbitiw na sa pwesto.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Marcos na lumapit sa kanya si Mayor Baste at paulit-ulit na humingi ng tawad.
Ayon sa Senadora, naiintindihan niya ang alkalde na emosyonal ito dahil sa sitwasyon ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Talagang magrerebolusyon aniya ang damdamin ni Mayor Baste kung iisipin na ikukulong ang ama at ate nito.
Tila ang tinutukoy ni Senadora Marcos ang imbestigasyon ng International Criminal Court sa war on drugs ng dating administrasyong Duterte.
Samantala, dumistansya si Senador Marcos sa mistulang word war sa pagitan ng kanyang kapatid at ng dating pangulo, na itinuturing niyang “close friend.”
Aniya, hindi siya makikisawsaw sa isyu ng dalawa.