-- Advertisements --

CEBU CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pagkasawi ng isang retired police officer matapos itong inambush sa Sitio Mabuhay, Brgy. Luz, Cebu City.

Kinilala ang biktima na si Retired Police Lt. Col. Renato Malazarte, dating Deputy Provincial Director ng Cebu Police Provincial Office.

Sa inisyal na imbestigasyon ng otoridad, motorcycle riding-in-tandem ang tinuturong pumatay sa biktima.

Pasado alas-10:00 kaninang umaga nang nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na habang nagde-deliver si Malazarte ng butane ay bigla itong binaril ng hindi pa nakikilalang suspek.

Nagtamo ng tama sa ulo at sa iba pa ng bahagi ng katawan ang biktima at dinala pa sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

Tinitingnang anggulo ngayon ang dating trabaho ni Malazarte bilang isang pulis.

Samantala, Nag-utos naman si Cebu City Mayor Edgardo Labella sa pulisya para sa mas malalim pa na imbestigasyon para makilala ang responsable sa nasabing krimen.