Kasong paglabag sa Article 183 ng Revised Penal Code na Perjury o Pagsisinungaling ang isinampa sa dating alkalde ng Tiaong, Quezon na si Ramon Preza sa Lucena City Regional Trial Court Branch 53, base na rin sa ipinalabas na resolusyon ng Lucena City Prosecutors Office noong Enero 11 ng kasalukuyang taon.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y hindi pagsasabi ng totoo ni Preza nang akusahan niya ng kasong pandaraya at pangloloko ang negosyanteng si Frankie Ong sa perang nagkakahalaga ng halos aabot sa 50 milyong piso.
Ngunit, lumalabas sa imbestigasyon na ang nasabing halaga ay personal na pagkakautang lamang ni Ong sa kanya ayon na rin sa Counter-affidavit na isinumite ni Preza sa Makati Prosecutors Office.
Sakaling mapatunayang nagkasala si Preza sa kasong perjury, hindi bababa sa 6 taon at 1 araw hanggang 10 taon na pagkakakulong ang kahaharapin nito at multang hindi lalampas sa 1 milyong piso ang kanyang kakaharapin.
Gayunpaman, pansamantala namang nakalalaya si Preza matapos maglagak nang 25 libong piyansa dahil sa ipinalabas na warant of arrest ng korte noong Enero 19, 2024.
Magugunitang kamakailan lamang ay sinimulan na rin ang kasong katiwalian na isinampa laban kay Preza sa Office of the Ombudsman, dahil sa di umanoy paggamit niya ng kanyang impluwensiya at kapangyarihan noong alkalde pa ito upang paboran ang ilang negosyo niya.