-- Advertisements --

LA UNION – Palaisipan pa rin sa pulisya ang nangyaring pamamaril na ikinamatay ng dating bodyguard ng alkalde sa Barangay San Eugenio sa bayan ng Aringay, La Union kaninang alas-2:30 ng madaling araw.

Nakilala ang biktima na dati umanong bodyguard ni Aringay Municipal Mayor Eric Sibuma na si Joy Balaoro, 35-anyos na tubong Abra at naninirahan sa nasabing barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Maj. Romel Centeno, hepe ng Aringay Police Station, sinabi nito na nagtungo sila ng kanyang mga tauhan sa nabanggit na lugar matapos matanggap ang impormasyon mula sa isang barangay tanod hinggil sa pamamaril.

Base sa inisyal na imbestigasyon ayon kay Centeno, galing sa isang tindahan ang biktima at posibleng nakasakay ito sa kanyang motorsiklo nang barilin ng hindi pa kilalang salarin sa barangay road ng San Eugenio.

Namatay agad si Balaoro sa matinding pinsalang natamo nito sa katawan dahil sa tama ng cal 5.56 mm na bala ng baril.

Apat na basyo ng naturang kalibre ng bala ang narekober ng mga imbestigador mula sa crime scene.

Sinabi pa ni Centeno, si Balaoro ay dating nabilanggo dahil sa kasong attemted murder at illegal possession of firearms noong 2019 ngunit pansamantalang nakalaya ito matapos siyang sumailalim sa probation ng hukuman.

Sinasabing nanilbihan din ang biktima noon kay Mayor Sibuma pero tinanggal sa kanyang trabaho dahil sa mga nabanggit na kaso.

Nasa punerarya na ang bangkay ng biktima at naipabatid na rin ng mga otoridad sa pamilya nito ang insidente.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga pulis upang malaman ang motibo at identity ng salarin sa krimen.