-- Advertisements --

Mas magiging makabuluhan na ang pagdalaw ng mga Pilipinong deboto sa Santo Niño Church sa Prague, Czech Republic, matapos isalin sa wikang Filipino ang panalangin ng yumaong si Pope Benedict XVI.

Makikita na ngayon ang panalangin sa tabi ng iba pang salin sa iba’t ibang wika sa dambana ng Santo Niño de Praga, isa sa mga pinakadinarayong simbahan ng mga debotong Katoliko mula sa iba’t ibang bansa.

Ayon sa Czech Embassy sa Pilipinas, isinalin sa Filipino ang panalangin ni Brother Mark Brian B. Espino ng San Juan Nepomuceno Parish sa Pasay City, sa pakikipagtulungan ng embahada upang matiyak na tama ang salin at angkop sa pananalita at pananampalataya ng mga Pilipino.

Ang panalangin ay unang binigkas ni Pope Benedict XVI nang bumisita siya sa Santo Niño de Praga noong 2009. Sa kanyang mensahe, ipinagdasal niya ang mga bata, lalo na ang mga biktima ng karahasan at pang-aabuso, at hiniling na sila ay laging mabigyan ng pagmamahal, paggalang, at sapat na pangangalaga.

Bagama’t naisalin na ang panalangin sa 23 iba’t ibang wika, ngayon lamang ito nagkaroon ng bersyon sa Filipino na nakapaskil mismo sa loob ng simbahan.

Ayon sa Czech Ambassador sa Pilipinas, mahalagang magkaroon ng salin sa Filipino dahil halos araw-araw ay may mga Pilipinong bumibisita at nagdarasal sa Santo Niño de Praga.