Itinanggi ng Department of Agriculture (DA) na ang patuloy na importation ng bigas ang nag-udyok para bumaba ang presyo ng palay sa bansa.
Sa isang panayam sinabi ni Agriculture Asec. Noel Reyes, na nagmura ang bentahan ng palay dahil ilan sa mga inaning butil nito ang basa.
Wala raw may gustong bumili ng basang palay, kaya napilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang ani sa P12 hanggang P19 kada kilo.
Magugunitang inatasan ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto ang DA para imbestigahan ang hinaing ng rice farmers.
Ito’y matapos lumagapak sa P12 per kilo ang presyo ng mga bagong aning palay.
Hinimok na ng kagawaran ang mga importer na pansamantalang itigil ang pag-aangkat ng bigas tuwing panahon ng anihan para matulungan ang mga magsasaka.