-- Advertisements --

Kinumpirma ng pulisya sa Prague na “aware” sila sa sitwasyon ng Pilipinong sangkot sa kaso, ngunit hindi na nagbigay ng detalye kaugnay ng pag-aresto sa dating Ako Bicol Party-List representative Zaldy Co sa halip na kausapin na lang daw ang kanilang Ministry of Interior.

Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakaaresto kay Co noong Huwebes, at sinabing nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa Czech government upang matiyak ang pagsunod sa legal process at mapabilis ang pagbabalik nito sa Pilipinas.

Ayon sa ulat, isang press officer ng Czech police ang nagsabing inaayos pa nila ang impormasyon hinggil sa insidente bago tuluyang nag-refer sa nasabing ahensya para sa opisyal na pahayag.

Samantala, nanatiling tikom din ang Philippine Embassy sa Czech Republic kaugnay ng detalye ng pagkakaaresto at kung magbibigay ba ito ng consular assistance sa dating mambabatas.

Si Co ay nahaharap sa mga kasong graft at malversation kasama ang 15 iba pa kaugnay ng umano’y substandard na P289-million flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Matatandaang noong Enero, iniulat na humarap si Co sa Stockholm County Administrative Board sa Sweden kaugnay ng kanyang petisyon sa Korte Suprema.

Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na kumpirmasyon mula sa Czech authorities habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng Pilipinas at Czech Republic.