ILOILO CITY – Pinag-aaralan na ng Iloilo City Government ang lockdown exit plan para sa gradual lifting ng Enhanced Community Quarantine na ipinatupad sa lungsod ng Iloilo dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na ang plano ay binubuo pa ng mga ng academics at ekonomista sa lungsod.
Ayon kay Treñas, nagpadala na rin siya ng kopya sa iba’t-ibang sektor para sa angkop na mga rekomendasyon.
Dagdag pa ng alkalde, una na ring nagbigay ng rekomendasyon ang Civil Service Commission-Western Visayas.
Ani Treñas, ilan sa inisyal na rekomendasyon ay ang muling pagbabalik ng transportasyon kagaya ng Public Utility Jeepneys (PUJs) at taxi at pagbukas ng mga mall at piling establishemento ngunit hindi 100%.
Mananatili naman ayon kay Treñas ang curfew at ang protocol sa pagsuot ng face mask, pagsunod sa physical distancing measure, at regular na disinfection.
Ayon pa kay Treñas, magpapadala rin siya ng kopya sa mga national officials.
Napag-alamang sa ngayon, umabot na sa anim ang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa lungsod ng Iloilo at isa ang naitalang patay.










