-- Advertisements --

Inianunsyo ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte na itinaas na sa Code Red Sub-Level 2 ang Code Alert System sa buong bansa kaugnay sa COVID-19.

Sa kanyang public address matapos ang Inter-Agency Task Force on the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Malacañang, inaprubahan at binasa ni Pangulong Duterte ang resolusyong binuo ng task force para sa pagkontrol sa pagkalat ng virus lalo sa Metro Manila.

Kabilang sa ipatutupad ang pagsuspinde ng mga biyahe papasok at palabas ng Metro Manila simula March 15 hanggang April 14, 2019.

Ang trabaho sa Executive Branch ay suspendido rin pero kinakailangang may skeletal force na magbibigay pa rin ng serbisyo habang hinihikayat din ang pribadong sektor na magkaroon ng flexible work arrangements.

Pinalawig din hanggang April 22 ang suspensyon ng klase sa lahat ng level sa Metro Manila.

Magpapatuloy naman ang operasyon ng LRT, MRT at PNR basta magkaroon ang Department of Transportation (DOTr) ng guidelines sa social distancing sa loob ng mga nasabing pampublikong transportasyon.