-- Advertisements --

Tiniyak ng isang mataas na opisyal ng Philippine Navy (PN) nitong Martes na may mga nakahandang “appropriate contingency measures” ang militar sakaling sadyang isadsad ng mga barkong pandagat ng Tsina ang kanilang mga sasakyang pandagat sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng PN for the WPS, sa Philippine Navy at sa Armed Forces of the Philippines sila aniya nakabase at hindi sa mga haka-haka. Gayunman, may nakahanda silang mga contingency para sa anumang posibleng kaganapan.

Tumanggi si Trinidad na ibunyag ang mga detalye ng mga hakbang na ito dahil sa mga konsiderasyong pangseguridad.

Ang pahayag ay kaugnay ng insidente noong Hunyo 7 kung saan isang barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) na may bow number 16838 ang sumadsad sa Reef 1 malapit sa Isla ng Pag-asa dahil sa masamang panahon. Makalipas ang ilang oras, nagawang alisin ng barko ang sarili sa pagkakasadsad.

Dagdag ni Trinidad, agad silang nakipag-ugnayan sa National Task Force for the West Philippine Sea at sa Philippine Coast Guard (PCG) nang matanggap ang ulat ukol sa insidente.

Paliwanag ng opisyal, agad na nagpadala ang PCG ng rubber boat upang masuri ang kalagayan ng mga sakay ng barko at ng kagamitan nito. Walang naiulat na nasaktan at wala ring agarang ulat ng pinsala sa kapaligiran. (report by Bombo Jai)