-- Advertisements --

Nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa incoming Congress na amyendahan ang Party-List System Act.

Kasunod ito ng hamon na kinaharap ng poll body sa pagbibilang at pag-compute ng alokasyon ng mga pwesto sa mga nanalong party-list groups.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia, na sa ngayon ay napapanahon na para magpatupad ng mga kinakailangang pagbabago ang Kongreso sa Republic Act 7941 o ang Party-List System Act upang magabayan aniya ang komisyon kung paano gawin ang tamang computation.

Sa nakalipas na eleksyon daw kasi ay sinunod ng Comelec ang formula mula sa Korte Suprema kung saan ay hinahati aniya ng komisyon ang mga kabuuang bilang ng boto na nakuha ng isang party-list group sa kabuuang bilang mga boto sa kabuuang bilang naman ng mga bumoto para sa party-list atsaka ito imu-multiply sa 100.

Ani Garcia, tanging threshold na dalawang porsyento lamang ang nakasaad sa RA 7941 at hindi kung paano ang mismong computation ng mga boto dahilan kung bakit napilitan ang mataas na hukom na gumamit ng formula dahil wala aniya ito sa batas.

Magugunita na kamakailan lang ay ipinroklama na ang 55 winning party-list groups na nakakuha ng 62 pwesto sa House of Representatives (HOR) sa pamamagitan ng Comelec na nagsilbi namang National Board of Canvassers (NBOC) sa nagdaang bilangan ng mga botong nakalap sa katatapos lamang na eleksyon.