Pinag-aaralan ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang posibilidad ng pagsasagawa ng voter registration sa gabi upang makahikayat ng mas maraming Pilipino na magparehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin sa Disyembre 1.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang hakbang na ito ay bahagi ng pagpapalawak ng Register Anywhere Program (RAP) na nakatakdang isagawa mula Hulyo 1 hanggang 11.
Target ng poll body na isagawa ang enhanced Register Anywhere Program sa mga lugar na may operasyon sa gabi, gaya ng mga paliparan, pantalan, at ilang mga lugar ng trabaho. Kaugnay pa nito, umaasa ang komisyon na sa pamamagitan ng dagdag na oras para sa pagpaparehistro, makakamit nila ang target nila na magkaroon ng 1 milyong bagong rehistradong botante.
Samantala, bukod sa mga bagong registrant, tatanggap din ang COMELEC ng aplikasyon para sa reactivation at transfer ng rehistro at iba pang kaugnay na serbisyo mula Hulyo 1 hanggang 11.