-- Advertisements --

Nagpaputok ng flares ang puwersa ng China habang nagsasagawa ng maritime patrol ang eroplano ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Mischief Reef sa West Philippine Sea.

Ayon kay Rear Admiral Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea, mapanganib ang insidente dahil hindi matiyak kung hanggang saan aabot ang mga flare na maaaring tumama sa aircraft.

Bukod dito, nagbigay rin umano ng radio challenge ang Chinese forces at iginiit ang kanilang “indisputable sovereignty” sa lugar, isang pahayag na mariing pinabulaanan ng PCG.

Binigyang-diin ni Tarriela na ang Panganiban Reef ay nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ang nasabing bahura, na dati’y sinabing gagawing silungan lamang ng mangingisda noong 1990s, ay isa na ngayong ganap na military base ng China. (report by Bombo Jai)