Nangako ang China na magpapatupad ito ng matitinding hakbang matapos akusahan ang Estados Unidos ng paglabag sa kanilang ‘trade truce’ na kasunduan.
Ayon kay Ministry of Commerce ng China, pinahina umano ng US ang kanilang kasunduan na maalalang napagkasunduan noong buwan ng Mayo sa Geneva, kung saan parehong bansa ang nagbaba ng kanilang mga taripa sa kanilang mga imported na produkto.
Dagdag pa ng China na nilabag din umano ng Amerika ang mga napagkasunduan nina Chinese President Xi Jinping at U.S. President Donald Trump noong Enero, 2025.
Kasunod ito ng mga pahayag ni Trump noong Biyernes ukol sa paglabag umano ng China sa mga kasunduan, bagama’t hindi siya nagbigay ng detalye ngunit ayon kay US Trade Representative Hamieson Greer, bigong alisin ng China ang mga non-tariff barriers gaya ng napagkasunduan.
Sa ilalim kasi ng Geneva deal, ibinaba ng US ang taripa nito mula 145% patungo sa 30%, habang bumaba rin ang taripa ng China sa US goods mula 125% patungo sa 10%.
Ngunit nitong Lunes, inakusahan ng China ang US ng paglabag sa kasunduan sa pamamagitan ng paghinto ng mga sumusunod , tulad ng pagbebenta ng software para sa chip design ng mga Chinese company, babala laban sa paggamit ng mga chips ng Huawei, at pagkansela ng mga visa para sa mga estudyanteng Tsino.
Bagama’t nabuo ang kasunduan sa Geneva sa kabila ng matinding tensyon, muling lumalala ang retension sa parehong bansa, na nagpapakita ng kahinaan ng truce.
Gayunman, sinabi ng mga opisyal ng White House na posible pa ring mag-usap sina Trump at Xi sa mga darating na araw. Ayon kay Treasury Secretary Bessent, inaasahang maayos ang mga detalye ng kasunduan kapag nagkausap muli ang dalawang lider.
Samantala, inanunsyo ni Trump noong nakaraang linggo na dodoblehin ang taripa ng US sa bakal at aluminum mula 25% patungo sa 50%, simula Miyerkules. Ayon sa kanya, makatutulong ito sa lokal na industriya ng bakal at mababawasan ang pagdepende ng bansa sa China.