-- Advertisements --

Nagpakita ng pagsuporta ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) sa plano ng pamahalaan na tanggapin ang nasa 50,000 Afghan refugees sa bansa.

Ayon kay CBCP-ECMI vice chair Bishop Ruperto Santos, ang nasabing hakbang ay isang ‘act of charity and compassion’.

Bukal aniya sa mga Pilipino ang pagiging matulungin, hospitable at charitable, na maaaring ipakita sa kahit kanino.

Maliban dito, naniniwala rin si Bishop Santos na bahagi ng commitment ng bansa sa United Nations na buksan ang mga pintuan nito para sa mga refugees.

Matatandaang una nang hiniling ng US sa Pilipinas na tanggapin ang humigit-kumulang 50,000 refugees sa bansa, habang hinihintay ng mga ito ang approval ng kanilang special immigration visa mula sa American Government.

Una na ring nagsagawa ang Senado ng isang imbestigasyon ukol sa nasabing plano.