Pahirapan ngayon ang paghahatid ng tulong sa mga apektado ng baha sa Tuguegarao City at iba pang lugar sa lalawigan ng Cagayan.
Sa ulat ng Bombo Radyo Tuguegarao, umabot hanggang baywang ang lalim ng baha sa ilang parte ng Tuguegarao, habang hanggang tuhod naman sa kalsada.
Dahil dito, sumampa na sa 10,381 ang nasa mga evacuation centers.
Mula ito sa halos 3,000 pamilya na nakatira sa mga mabababang lugar sa nasabing probinsya.
Sa pagtaya ng mga otoridad, posibleng madagdagan ang mga magsisilikas dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang baha.
Maliban sa Tuguegarao City, mahigit 20 pang bayan at syudad ang nakapagtala ng pagtaas ng level ng tubig.
Bago pa man ang pagtama ng bagyong Ulysses, tuloy-tuloy na ang nararanasang ulan sa Cagayan Valley dahil sa hanging amihan at localized thunderstorms.