-- Advertisements --

“Welcome” para kay Manila Police District Dir. Rolando Miranda ang inihaing reklamo ng Bahaghari group na binubuo ng lesbian, gay, bisexual, transgender and queer (LGBT).

Ang mga ito kasi ay inaresto ng mga tauhan ng MPD noong nakaraang buwan dahil sa pagdaraos ng kilos protesta, kung saan nakitaan ng umano’y paglabag sa ilang probisyon ng quarantine protocols.

Giit ng LGBT group, ang mga pulis ang lumabag sa kanilang karapatang makapaghayag ng saloobin, kasabay ng selebrasyon ng mga ito ng Pride Month.

Ayon kay Miranda sa panayam ng Bombo Radyo, bahagi ang isinampang complaint para hadlangan silang magawa ang tungkulin, bagay na hindi naman daw nila aatrasan.

Nanawagan din ito sa publiko na respetuhin ang quarantine protocols at iwasang magtipon-tipon at gumawa ng mga aktibidad na maaaring pagmulan ng hawaan ng COVID-19.