LAOAG CITY – Pinarangalan ng Young Communicators’ Circle, isang organisasyon ng mga estudyante na may kursong Communication sa Mariano Marcos State University ang Bombo Radyo Laoag bilang Best Local AM Radio Station sa buong lalawigan ng Ilocos Norte sa ikaapat na Aweng Awards.
Maliban dito ay kinilala rin ang Chief of Reporters ng stasyon na si Bombo Jay Agnir bilang Best Local AM Radio Personality sa katatapos na awards night.
Ayon kay Ms. Jenn Khylei Lacuesta, Executive Chairperson ng Young Communicators’ Circle, ang pamantayan sa pagpili ng Best Local AM Radio Station ay ang kabuuang kalidad ng iba’t ibang entry tulad ng news program, commentary program at entertainment program habang ang pamantayan sa pagpili ng Best Local AM Radio Personality ay ang haba ng serbisyo, clarity o kalinawan sa paghahatid ng balita, kalidad ng news story, accuracy at relevance sa programa.
Ang Aweng Awards ay ang tanging university-based award-giving body sa Ilocos Region na nagpaparangal sa mga media personalities, radio stations at news pages.
Samantala, ito ang ikalawang pagkakataon na naparangalan ang Bombo Radyo Laoag bilang Best Local AM Radio Station at pangalawang pagkakataon din ito ni Bombo Jay Agnir na kinilala bilang Best Local AM Radio Personality.











