Naniniwala si US Secretary of State Antony Blinken na tutugon si Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu sa kanilang mga napag-usapan.
Nagtungo kasi sa Blinken sa Israel para muling hikayatin ang mga lider ng nasabing bansa na huwag ng ituloy ang anumang planong pag-atake sa Rafah City.
Ilan sa mga tinalakay nina Blinken at Netanyahu ay ang pag-aralang mabuti ang bagong proposal kung saan pumayag ang Hamas sa pagpapalaya sa mga bihag kapalit ang permanenteng tigil putukan.
Kasama rin sa napag-usapan ang pagiging operational ng isang linggo ang mga pantalan sa karagatang bahagi ng Gaza.
Mahalaga din aniya na ipresenta ng Israel ang humanitarian plan kung talagang desidido itong ituloy ang pag-atake sa Rafah.
Nanindigan naman si Netanyahu na hindi nila tatanggapin ang anumang kasunduan sa Hamas na may kasamang pagtatapos na ng giyera.
Una na ring ikinabahala ng United Nations at maraming bansa kapag itinuloy ng Israel ang pag-atake sa Rafah dahil mas lalo pa nitong patatagalin ang mga nagaganap na kaguluhan.
Mula ng mangyari ang pag-atake noong Oktubre ng nakaraang taon ay pumalo na sa 34,568 na mga Palestino ang nasawi at 77,765 ang sugatan habang mayroong 1,139 na mga Israelis ang nasawi.