-- Advertisements --

Bigong maipanalo ng Golden State Warriors ang ikalawang laban sa back-to-back game ng koponan matapos nitong danasin ang 20-point loss sa kamay ng Portland Trail blazers, 139 -119.

Hindi naging sapat ang 35 points at 6 rebounds ng NBA star na si Stephen Curry para buhatin ang team dahil sa malamiyang performance ng iba pang Warriors players.

Nalimitahan lamang sa 14 points si GSW star Jimmy Butler habang 16 points at 8 rebounds ang naging ambag ng forward na si Jonathan Kuminga.

Kabaliktaran ang nangyari sa Blazers kung saan walong players nito ang gumawa ng double-digit scores sa pangunguna ni Deni Avdija na kumamada ng 26 points, 5 rebounds, at anim na assists.

Naging mahigpit pa ang laban sa unang quarter hanggang sa magbuhos ang Portland ng 41 points sa ikalawang quarter at iparanas sa Warriors ang 13-point deficit sa pagtatapos ng 1st half.

Hindi naman naging sapat ang comeback attempt ng koponan sa 2nd half at sa halip ay lumobo pa sa 20 points ang kalamangan sa pagtatapos ng laban.

Sa kabuuan ng laban, kumamada ng 66 points ang Portland sa paint area habang 30 lamang ang naisagot ng Warriors.

Ito ang unang pagkatalo ng Warriors habang dalawa na ang panalo nito.