CAUAYAN CITY – Namatay ang isang factory worker matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na PUV sa Pamabansang lansangan ng Dalibubon, Jones, Isabela
Ang nasawing nagmamaneho ng motorsiklo ay si Joseph Maranan, 29 anyos, binata at residente ng Addalam, Jones, Isabela.
Minamaneho naman ni Christopher Duran, 31 anyos, residente ng Napaliong, Jones, Isabela ang pampasaherong van na nakasalpukan ng motorsiklo .
Sa imbestigasyong isinagawa ng Jones Police station na patungong Centro, Jones si Maranan lulan ng kanyang motorsiklo habang patungong Santiago City naman ang PUV na minamaneho ni Duran.
Bigla na lamang umanong pumasok sa linya ni Duran si Maranan dahilan para magsalpukan ang dalawang sasakyan.
Sa lakas ng pangyayari tumama ang ulo ni Maranan sa windshield ng nasabing PUV at saka nahulog daan.
Dinala sa ospital ang biktima ngunit dahil sa tinamong matinding sugat sa ulo at katawan idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Wala namang naitalang nasaktan sa mga sakay ng pampasaherong van.
Samantala sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Mervin Delos Santos, OIC Chief Of Police ng Jones Police Station kanyang sinabi na lubos ang pagdadalamhati ng mga kaanak ni Maranan sa biglaan nitong pagpanaw.
Ayon pa kay Police Capt Delos Santos, lumalabas na naging mabilis ang patakbo ni Maranan ng kanyang motorsiklo kaya nagkaroon ng malakas na impact ng banggaan.
Kahit nakasuot anya ng helmet ang biktima ay nagtamo pa rin ng matinding tama sa ulo na nag-ugat ng kanyang kamatayan.