Lalo pang dumami ang bilang ng mga unemployed o walang trabaho na Pilipino noong Oktubre.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo na ito sa 3.5 million na mas mataas kompara sa 3.07 million na naitala noon lamang Hulyo 2021, pero mas mababa naman kaysa 3.81 million na napaulat noong Okutubre 2020.
Samantala, ang bilang naman ng mga employed o may trabaho at negosyo noong Oktubre ay 43.83 million.
Mas mataas ang bilang na ito ng 2.16 million kaysa naitala noong Hulyo 2021 na nasa 41.67 million, at higit na mas mataas naman kompara sa bilang noong Oktubre 2020 na nasa 38.84 million.
Base pa sa datos ng PSA, natukoy na ang bilang ng underemployed noong Oktubre 2021 ay 7.04 million, na mas mababa nang 1.65 million kompara naman noong Hulyo ng kasalukuyang taon din na pumalo sa 8.69 million.
Ang Northern Mindanao ang nakapagtala ng pinakamataas na tinatawag na Labor Force Participation Rate (LFPR) na nasa 69.4 percent, habang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao naman ang may pinakabamababa sa 55.2 percent.
Kaugnay nito, ikinatutuwa ng PSA na sabihin na 14 rehiyon ang nakapagtala ng pagtaas ng LFPR noong Oktubre kompara noong Hulyo 2021.