Inaasahan na ano mang araw simula ngayon ay maaari ng maiproklama ang Bagong Henerasyon (BH) Party-list matapos tanggihan ng COMELEC En Banc ang petition for disqualification na ifi-nile laban sa naturang party-list.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na kailangan ng maibigay sa BH party-list ang kanilang Certificate of Proclamation. At sa susunod na linggo, inaasahan na mag-coconvene muli ang National Board of Canvassers para sa isasagawang special proclamation para sa naturang party-list. Aniya, ang kanilang naging desisyon ay ‘executory’ na kaya tuloy na ang proklamasyon.
Samantala, nakatakda namang padalhan ng COMELEC Law Department ng show cause order ang 1st Nominee ng Duterte Youth party-list na si Drixie Cardema para pagpaliwanagin siya sa mga alegasyong binabato sa kanya patungkol sa paggamit umano ng ibang apelyido.
Ayon kay Garcia, bahagi ito ng imbestigasyon ng Law Department para mapadali rin ang pag-alam nila kung may paglabag ba talaga ang nominee. Paglilinaw niya na walang moto pro prio ang law department ng poll body sa pag-kansela ng nomination kaya kailangan talaga ito dumaan ng proseso ng imbestigasyon.