-- Advertisements --

Pumanaw na si Cocoy Laurel, isang kilalang aktor at mang-aawit sa teatro at pelikula, noong Hunyo 14 sa edad na 72, ayon sa kumpirmasyon ng pamilya Laurel nitong Lunes sa pamamagitan ng Facebook page ng kanyang yumaong ina na si Celia Diaz Laurel.

Bagama’t hindi naman sinabi ang sanhi ng kanyang pagpanaw. Sa opisyal na pahayag ng pamilya, inilarawan si Cocoy o sa tunay na buhay Victor D. Laurel — bilang isang taong may malalim na pananampalataya, na ginamit ang kanyang musika at sining upang paglingkuran ang Diyos at magbigay-inspirasyon sa iba.

Nagbigay rin ng kani-kaniyang mensahe ng pasasalamat at pagdadalamhati ang kanyang mga pamangkin, kabilang na si Denise Laurel na tinawag siyang “uncle, mentor, and confidant”, at si Nicole Laurel Asensio, na nagsabing mahirap tanggapin ang pagkawala ng kanyang “Ninong Cocoy”.

Pinuri nila si Cocoy sa kanyang kabutihan, husay sa sining, at matibay na pananampalataya.

Magugunitang si Cocoy Laurel ay anak nina dating Vice President Salvador “Doy” Laurel at singer/actress Celia Diaz Laurel.

Nagsimula siya sa industriya bilang teen actor at sumikat noong 1971 sa pelikulang “Lollipops and Roses” kasama si Nora Aunor. Nakilala rin siya sa pelikula at teatro, kabilang ang mga obra tulad ng “Miss Saigon” (bilang The Engineer) at “Les Misérables” (bilang Jean Valjean).