-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ipinasigurado ng ACT-CIS Partylist Representative at ngayon ay caretaker-congressman ng Benguet Province na si Eric Go Yap na kanyang itutuloy ang mga programa at adbokasiya na iniwan ni late Benguet Representative Nestor Fongwan Sr.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Benguet Board Member Nestor Fongwan Jr., sinabi niyang ito ang ipinangako sa kanya ni Yap nang nangpulong sila sa Kongreso.

Itutuloy din aniya ni Yap ang mga House Bills na ipinila ng kanyang namayapang ama gaya ng karagdagang congressional district ng Benguet, expansion ng bed-capacity ng Benguet General Hospital at iba pa.

Napag-alamang aabot sa 21 na House Bills ang ginawa ni late Rep. Fongwan Sr.

Nakatakda ding makipag-usap si Yap sa mga alkalde ng 13 na bayan ng Benguet.

Paliwanag ni Yap, wala siyang kinakatawang distrito o lalawigan kaya mabibigyan niya ng atensiyon ang Benguet.

Samantala, iniya-apela ni BM Fongwan Jr. ang pagbigay ng mga taga-Benguet sa kanilang suporta kay Yap.

Iginiit niya na kailangang mabigyan ng pagkakataon si Yap na ipakita ang sinsiridad nito sa pagsilbi sa mga mamamayan ng Benguet.