Ibinunyag na ni Bangs Garcia na babae uli ang second baby nila ng non-showbiz husband.
Ayon sa dating sexy actress, alam na nito ang gender ng kanyang ipinagbubuntis dalawang buwan na ang nakakaraan pero piniling ibahagi sa publiko kasabay ng kanyang 33rd birthday kahapon.
Dito ay inamin ni Bangs na tulad sa hula ng karamihang fans at maging ng kanyang pamilya, inakala rin niya na magkakaroon na sila ng baby boy.
Gayunman, napatunayan daw nito na hindi pala “accurate” ang mga kasabihan hinggil sa kung babae o lalaki ang ipinagbubuntis ng isang ina.
Kung maaalala, nanganak si Bangs noong 2017 matapos ang kasal nila ng half-British na si Lloydi Birchmore sa England.
Huling napanood ang aktres bilang cast ng 2016 film na “Dukot” kasama si Enrique Gil.